addict

para akong addict na naghahanap ng matira… para akong alcoholic na naubusan ng malaklak. Hinahalungkat lahat ng kabinet at mga sulok na maaaring pagtaguan ng droga at alak. Wala pa rin akong makita… Gusto kong magtanong kung may nakakita, may nakatukib ng aking mga sekretong lagayan, pero di ko rin nais na malaman nila na ako ay isang addict o isang alcoholic. O di kaya, ayaw ko ding aminin na ako ay addict o alcoholic na. Di ko naiintindihan… iniisip ko, hinahanap-hanap din kaya ako ng droga o ng alak? Sila din ba ay nalulungkot sa tuwing di nila ako makakasalo sa agahan, tanghalian, o hapunan. Kung minsa’y aking naiisip, nababaliw na yata ako. Mawawala na ata ang isip ko kung di ko sya makita… kung di malaman kung saan sya nakatago… kung muli ko pa sya mahawakan sa aking mga kamay, mahalikan at malasahan ng aking mga labi… makasama hanggang malapit na magbukang-liwayway.

syanga ang pag-ibig ay parang droga o alak… hinahanap-hanap mo pag nawalay o nawala na sa iyo… hahanapin mo pa rin sya kahit alam mong nakakasama sa iyo at kahit na alam mo walang magandang idudulot sa iyo.

april 13, 2004

Leave a Reply